Bata pa ako ay pangarap ko ng makapagsulat. Sinubukan kong lumikha ng mga kwento at ibahagi sa aking mga kamag-aral. Pero siguro, dala ng kabataan, kulang sa sustansya at katotohanan ang aking mga kuwento. Walang sumeryoso sa mga gawa ko. Walang nawili.
Hindi ko rin alam kung paano ko ba talaga lilikhain ang aking kwento. Sa paraan bang katulad ng ginagawa ng mga sikat ng nobelista? Parang mahirap sa akin na magpaka-Lualhati Bautista. Hindi kagandahan ang aking marka sa aming Pilipino subject. Hindi rin naman kagalingan ang grado ko sa English subject. Sapat na bang dahilan ito para huwag na nga lang magsulat? Siguro nga, kaya hindi ko na sinubukan pang muli. Hanggang masumpungan kong muli ang hilig kong ito.
Sa panahon ngayon ng internet, text messaging, facebook, at twitter. Sa mga makabagong libro na iniakda ng tulad ni Bob Ong, naisip ko lang na pwede nang magkwento sa paraang kung paano ka totoong magsalita. Dahil dito ka maiintindihan ng mga kausap mo.
At totoo nga, yung mga kwento ko sa mga kaibigan ko, na kinababaliwan nilang pakinggan, e sinabi ko sa paraang nakasanayan ko. Sa ganitong pananalita ako magku-kwento. Ayos ba? Kung ayos lang, e di, hihirit na ako?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento